Ang Opportunity Cost ng Love

May 18, 2008
Ecosmopolitan
(Ec111 Final Project)

Sa economics, madalas nababanggit ang salitang cost o costs. ‘Yun ang nagagastos o ipinambabayad. ‘Yung nawawala. Ganyan din sa tunay na buhay. Sa anumang aspeto nito, laging magkakaroon ng pagkakataong kailangan mong magpakawala, mag-let go, lalo na pagdating sa love. Kadalasan, nasusukat ito sa pamamagitan ng opportunity cost.

Para sa mga economist, masusukat ang opportunity cost gamit ang mga “alternative uses that are foregone by producing a good or service”. Sa madaling salita, opportunity cost ‘yung mga sana’y nagawa mo pero hindi dahil may inatupag kang iba, ngunit kung sa love na iuugnay, maraming puwedeng halimbawa.

  1. Nagpakalunod ka sa pag-aaral, hindi mo nakilala ‘yung magiging boyfriend o girlfriend mo.
  2. Nilayuan mo yung mahal mo, hindi niya tuloy nasabi na mahal ka rin pala niya.
  3. Sinagot mo ‘yung unang nanligaw sa’yo, hindi ka tuloy maligawan nung mas guwapo na may gusto pala sa’yo.
  4. Nag-date kayo ng boyfriend o girlfriend mo, hindi ka nakapag-aral para sa exam mo.
  5. Nakita mo crush mo at sinundan mo kahit may klase na, hindi ka nagkaroon ng perfect attendance at nabigyan ng bonus points.

Masyadong maraming posibleng sitwasyon dahil ang opportunity cost, maaaring maging explicit at puwede ring implicit.

Sa economics, labor ang explicit cost. Explicit dahil nakabatay ito sa isang alternative environment. Nasusukat ang cost ng labor sa kung ano ang puwede niyang kitain sa ibang lugar.

Capital naman ang implicit cost. Implicit ito dahil ibang tao ang nagiging willing para magbayad nito. Sinusukat kung hanggang magkano ang kayang ibigay ng iba para lang magamit ‘yung capital.

Sa isang relasyon, kailangan din ng labor at capital. May labor dahil pinaghihirapan mo iyun at pinagsisikapan. Siyempre, ‘yung love ang capital. Ito ‘yung pagmamahalan niyo sa isa’t isa pati ‘yung pagkakaibigan niyo. Magkasama dapat ang mga ito lagi sa isang relasyon, tulad sa economics na may two-input world. Kailangang isipin ang cost ng parehong bagay.

Kung sa ibang tao mo kaya ibaling ang paghihirap at pagsisikap mo, pareho kaya ang magiging katumbas nito sa minamahal mo ngayon? Ano kaya ang maaari mong makuhang kapalit? Ano kaya ang explicit opportunity cost ng labor mo?

Kung may ibang taong nagnanais ng pagmamahal mo, hanggang saan kaya ang kaya niya ibigay para makuha ito? Ano rin kaya ang maaari mong makuhang kapalit? Ano kaya ang implicit opportunity cost ng capital mo?

Minsan mas nakabubuti sa isang tao na pumunta sa isang alternative environment kung saan alam mong mas magiging masaya ka. Minsan din, mas nakabubuting maghanap ng ibang mas willing na panatilihin kang masaya.

Minsan kapag may naghihiwalay, may nagtatanong, “Bakit kayo naghiwalay?” Dapat isipin mo na lang, “Bakit kami hindi dapat maghiwalay? May dahilan pa ba para maging kami?”

Ang sagot sa lahat ng ‘yan, opportunity cost.

Page created: August 24th 2008 09:03 PM